MANILA, Philippines - Ibat-ibang signature campaign at malawakang information drive ang isinasagawa ng mga Diocese sa bansa upang labanan ang isinusulong na Reproductive Health bill.
Sinabi ni Fr. Albert Mendes, Social Action Center Director ng Diocese of Iligan, nagsasagawa sila ng signature campaign at video presentation sa iba’t-ibang parokya kung saan ipinapakita ang masamang epekto sa paggamit ng contraceptives.
Ipinaliwanag ni Mendes hindi lamang theology ang kanilang itinuturo sa mga mananampalayata kundi ang pagbibigay impormasyon at responsibilidad ng mga magulang na pangalagaan ang buhay ng kanilang mga anak.
Kaugnay nito, nagsasagawa din ng hiwalay na signature campaign para malaman ang pulso ng mga mananampalataya sa kanilang nasasakupan sa Camarines Sur, Nueva Ecija at Capiz.
Sa panig naman ng Catholic Education Association of the Philippines o CEAP inihayag nito na inaayos na nila ang sex education modules na kanilang ituturo sa mga mag-aaral sa lahat ng Catholic school sa bansa.