MANILA, Philippines - Umabot sa $2.85 bilyong halaga ng investment mula sa Japan ang naiuwi ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang 5-day Japan trip.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang arrival statement kahapon mula sa kanyang 5-araw na pagbisita sa Japan at pagdalo sa APEC Summit sa Yokohama, may inaasahan pa rin siyang $2.6 bilyong investment mula sa Japan.
“Hindi bababa ang new investments sa $2.85 billion. Kung papayag po tayo, meron pa hong mga negosyo na hindi bababa naman po sa $2.6 billion ulit dahil nasa final stages na po ng kanilang preparation,” wika pa ni Aquino.
Nakipagpulong si P-Noy sa mga Japanese corporations na Marubeni, Toshiba at Itochu.
Aniya, $122 milyon ang investment ng Itochu para sa bio-ethanol plant sa Isabela habang $133 milyon ang investment ng Toshiba para sa expansion ng electronic plants nito sa Pilipinas.
Wika pa ni Aquino, ang Marubeni naman ay mag-expand ng kanilang investment sa Sual power plant ($1-B); $600-M sa Calaca at $1-B naman sa Pagbilao.
Ang naiuwing investment ni P-Noy na $2.85-B ay mas malaki sa $2.4-B investment na nakuha nito sa kanyang US trip.