MANILA, Philippines - Kabilang ang apat na Pinoy sa may 31 tripulante ng isang Panamanian tanker na iniulat na na-hijacked ng mga pirata sa Somalia nitong Huwebes sa Horn of Africa, malapit sa India.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), lumilitaw na inatake ng mga pirata ang 24,105-ton tanker na Hannibal II.
Bumibiyahe umano ang tanker mula sa Malaysian Port of Pasir Gudang patungo sa Suez Canal, lulan ang milyong halaga ng vegetable oils nang harangin ng mga pirata.
Bukod sa apat na Pinoy, lulan rin ng barko ang may 23 Tunisians, isang Croatian, isang Georgian, isang Russian at isang Moroccan.
Umaabot na ngayon sa 97 ang bilang ng mga Pinoy seafarer na bihag ng mga pirata at lulan ng pitong barko na na-hijacked ng mga ito mula pa noong unang bahagi ng taon.