MANILA, Philippines - Kasama na ang kaso ng “suicide” sa bibigyan ng insurance benefits sa ilalim ng ipatutupad na “compulsory insurance” para sa mga OFW.
Sa isang pulong balitaan sa Sofitel, Pasay City, sinabi ni Passenger Accident Management and Insurance Agency (PAMI) president Ed Atayde, minabuting isama nina Sen. Jinggoy Estrada at Rep. Way Kurat, mga nag-akda sa Migrant Workers and Overseas Filipino Act, ang kaso ng pagpapakamatay ng mga Pinoy habang nasa ibang bansa upang mabawasan ang paghihirap ng mga kaanak ng mga ito na nasa Pilipinas.
Sakop rin ng insurance ang mga OFWs na nasawi o permanenteng nabaldado dahil sa pagmamaltrato ng mga amo, biktima ng mga pirata, biktima ng terorismo at mga biktima ng digmaan.
Walang babayaran ang mga OFW sa “premium” ng insurance na sasagutin umano ng kanilang employer. Para sa 1 taong coverage, nasa US$72 ang babayaran ng employer at $144 sa dalawang taon.
Nakapaloob sa “insurance” ang US$15,000 accidental death; $10,000 sa natural death; $7,500 sa permanent disablement.
Ngunit mas mataas umano ang premium ng mga seaman na aabot sa US$100 kada taon dahil sa tsansa ng maraming mga maglalayag na Pinoy na masawi ng sabay-sabay sakaling lumubog ang sinasakyang barko.
Para naman sa mga namumroblema sa pagbiyahe ng mga bangkay ng kanilang mga kaanak na tumatagal pa ng tatlong buwan, tiniyak ng PAMI na pabibilisin nila ang proseso kung saan ang kumpanyang Assist America ang mamamahala nito sa lahat ng bansa kung saan may OFWs.
Ang Assist America rin umano ang bahalang mag-alaga sa kalusugan ng mga OFWs kung magkakasakit sa bansang pinagtatrabahuhan.
Kasama rin sa insurance ang mga OFW na masasawi sa eroplano habang papunta sa bansang papasukan at maging pabalik ng Pilipinas.