MANILA, Philippines - Tulad ng kanyang ipinangako, ipinagpatuloy ni Senador Manny Villar ang pagtulong sa mga nagigipit na overseas Filipino workers matapos makapagpauwi ng 21 manggagawa mula sa Malaysia, kasama ang limang bata.
Halos lahat ng mga OFW ay biktima ng illegal recruitment, habang ang ilan ay inengganyo ng kakilala na magtungo sa Malaysia bilang turista at pinangakuan na tutulungan na magkahanap ng trabaho.
Mistulang tumanggap ng maagang pamasko na walang pagsidlan ng kasiyahan ang mga OFW nang salubungin sa NAIA Terminal 3 ng mga tauhan ng Sagip OFW program ni Villar nitong umaga ng Biyernes.
Naging emosyunal din ang pagsasalo-salo sa almusal ng mga OFW at kanilang kamag-anak sa isang restaurant sa Macapagal boulevard kung saan nakasama na nila ang senador.
“Gaya po ng sinabi natin dati, hindi man tayo palarin na pamunuan ang bansa hindi po tayo hihinto sa pagtulong sa mga kababayan natin na nangangailangan ng tulong,” patungkol ni Villar matapos ang resulta ng May 2010 presidential elections.
Ayon kay Villar, kahit hindi naging pabor sa kanya ang resulta ng nakaraang halalan, ipinagpatuloy niya ang Sagip OFW program dahil patuloy din ang dating ng mga tawag, email, at text ng mga OFW at kanilang mga kamag-anak na humihingi ng tulong.
Bukod sa pagpapauwi ng mga nagipit na OFW, kamakailan ay inilunsad ni Villar katuwang ang Blas F. Ople Policy Center ang “Skills-Up” program, na nagkakaloob ng vocational skills scholarship sa mga biktima ng human trafficking at illegal recruitment.
Layunin nito na mabigyan ng dagdag na kaalaman sa hanapbuhay ang mga makikinabang sa programa tulad ng kursong hotel housekeeping at barista kung saan katuwang nila ang Asian School of Hospitality Arts.