Kaso vs SPO2 Mendoza wala raw sa batas
MANILA, Philippines - Posibleng mabasura lamang ang kasong isinampa ng Manila Police District (MPD) laban sa kapatid ng hostage taker na si Sr. Inspector Rolando Mendoza matapos na madiskubre na wala sa Saligang Batas ang isinampang kaso laban dito.
Ayon sa abodado ni SPo2 Gregorio Mendoza na si Public Attorney Office (PAO) Chief Atty. Persida Acosta, ang kasong conspiracy to commit serious illegal detention na isinampa laban sa kanyang kliyente ay hindi nakasaad sa Revised Penal Code
Nakasaad din sa 12 pahinang counter affidavit ni Mendoza na isinumite ni Acosta sa Department of Justice (DOJ) na hindi nakipagsabwatan ang una sa kanyang kapatid sa pangho-hostage sa HongThai tourist bus sa Quirino grandstand noong August 23, 2010 dahil nangyari ang hostage incident dakong alas-10 ng umaga at dumating siya sa lugar bandang ala-1 na ng hapon.
Anim na oras na umano ang nakakalipas o alas-7 ng gabi ng makausap niya ang kanyang kapatid ng ihatid niya kasama ang hostage negotiator na si P/Supt. Orlando Yebra ang liham mula kay Ombudsman Merceditas Gutierrez.
Iginiit pa ni SP02 Mendoza na mismong si Manila Mayor Alfredo Lim ang nag-utos sa kanya na samahan si Yebra sa pag-negotiate at upang matapos na umano ang hostage drama. Paliwanag pa ni Acosta na ang presensya umano ni Mendoza sa Quirino grandstand ay emergency lamang dahil sa kahilingan ng mga anak ng hostage taker, upang kumbinsihin ang kapatid nitong hostage taker na sumuko na.
Wala umanong intensiyon si Gregorio na tulungan ang kanyang kapatid na taliwas sa akusasyon ng pulisya.
- Latest
- Trending



















