NCRPO handa na sa Clinton visit

MANILA, Philippines - Handa na ang pu­wersa ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa paglalatag ng seguridad para sa pagbisita ni dating US President Bill Clinton sa bansa bukas.

Sinabi ni NCRPO director, Chief Supt. Nicanor Bartolome na nakikipag-ugnayan sila ngayon sa US Embassy para sa kaukulang seguridad para kay Clinton at sa mga kasama nito.

Nakatakdang dumating sa bansa si Clinton bukas (Miyerkules) kung saan magbibigay ito ng “lecture” na may pamagat na “Embracing Our Common Humanity” sa Manila Hotel.

Sinabi ni Bartolome na kasama sa preparasyon ang pagpapakalat ng mga “intelligence police” sa venue at tauhan sa bisinidad ng Manila Hotel.  Magbibigay rin sila ng seguridad sa mga ruta na daraanan ni Clinton habang pakikilusin ang mga K-9 units sa venue laban sa bomba.

Ngunit tiniyak pa rin ng heneral na wala pa ring tiyak na banta sa seguridad ng bansa sa kabila ng lumulutang na “terror plot”.

 “Kausap ko ang ating mga intelligence units, there is no specific threat here and there is no reason to believe that there is positive information.  Pero patuloy tayo sa pagberepika at pagbalido ng mga impormasyon na pumapasok,” ayon kay Bartolome.

Nananatili namang nasa full alert status ang buong Metro Manila na inaasahang tatagal pa hanggang sa pagpasok ng Kapaskuhan sa Dis­yembre.

Show comments