MANILA, Philippines - May kabuuang 19,879 Pinoy ang kumuha kahapon ng entrance examination sa National Police Commission (Napolcom) upang matupad ang ambisyon na maging alagad ng pulisya.
Sa nasabing bilang, pinakamarami dito ang buhat sa National Capital Region (NCR) na may 2,493 examinees.
Umaabot naman sa 19,026 pulis ang kumuha rin ng eksaminasyon para sa promosyon makaraang mabinbin ito dahil sa idinaos na Barangay at SK elections.
Sinabi ni Napolcom Vice-Chairman Eduardo Escueta na ang mga eksaminasyon ay para sa promosyon tungo sa ranggong Police Officer 2, 3, Police Inspector, Senior Insp., Chief Insp. at Police Superintendent.
Sakop ng pagsusulit sa mga nais maging bagong pulis ang general information, verbal reasoning, quantitative reasoning, at logical reasoning habang ang para sa promosyon ay police administration at operations, values at ethical standards, at general information.
Idinaos ang mga eksaminasyon sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas kabilang ang Benigno Aquino High School, Fort Bonifacio High School at Pembo High School na pawang nasa Makati City. Ang iba pang testing centers ay sa San Fernando (La Union at Pampanga), Malolos City, Olongapo City, Balanga, Bataan, Cabanatuan City, Tuguegarao, Calamba, Puerto Princesa, Romblon, Legaspi, Iloilo, Cebu, Tacloban, Pagadian, Cagayan de Oro, Davao, Koronadal, Butuan, Jolo, Sulu at Baguio.
Sinabi ni Escueta na mas hinigpitan nila ngayon ang pagproseso sa aplikasyon ng mga nais mag-pulis at ma-promote upang hindi masakripisyo ang integridad ng PNP sa mga magiging bagong tauhan at opisyal.