MANILA, Philippines - Bibilhin din ng National Food Authority (NFA) ang mga nabasang palay ng mga magsasaka ng lalawigan ng Isabela na matinding naapektuhan ng nagdaang kalamidad.
Ito ang inanunsiyo ni Agriculture Secretary Proceso Alcala matapos magpalabas ng direktiba si Pangulong Aquino para bilhin ng NFA ang mga basang palay na magmumula sa Isabela na hinagupit kamakailan ng bagyong “Juan” at matulungan ang mga magsasaka dito na mabawi ang anumang nalugi sa kanila dulot ng bagyo.
Iginiit ni Alcala na kailangan ng magsasaka ang anumang uri ng tulong upang maibsan ang negatibong epekto sa kanila ng kalamidad at maalalayan din sila sa pagsasaayos ng kanilang mga bukirin para maitaguyod muli ang kanilang kabuhayan.
Nangako naman ang Isabela government na maglalaan din ng pondo ang pamahalaang panlalawigan para sa mga magsasakang apektado ni “Juan” sa kanyang nasasakupan.
Binibinili ng NFA ang malinis at tuyong palay sa halagang P17 kada kilo na may kasama pang insentibo na P0.70 kada kilo.
Nabatid na nakabibili sila ng bulto ng palay mula sa bansa sa panahon ng main crop na mula sa mga huling araw ng Setyembre hanggang Disyembre.
Base sa record ng ahensiya nakabili na ng 5.8 milyon bags ng palay ang NFA sa pagtatapos pa lamang ng Oktubre.