Anti-kotong law ipasa

MANILA, Philippines - Hinimok ni Rep. Juan Edgardo M. Angara (lone district, Aurora) ang Kongreso na agarang ipasa ang ‘anti-kotong law’ at partikular na matutukan ang pango­ngotong ng mga law enforcers at public officials at mabura ang korapsyon na ikinakabit sa mga alagad ng batas.

Sinabi pa ni Angara na ang bagong labas na report ng ‘Transparency International‘ na ang Pilipinas ay kabilang sa mga ikinukunsiderang “highly corrupt” countries at nakapuwesto sa 134 mula sa 178 bansang ay isang “wake-up call” na dapat ay tugunan ng gobyerno.

Idinagdag pa ni Angara na ang pagbura ng “kotong” mula sa mga law enforcement ay hindi lamang malaking tulong sa mga nabibiktima kundi makapagpapabago ito sa imahe ng Pilipinas sa loob at labas ng bansa.

Sinabi pa ng solon na karamihan sa mga biktima ng pangongotong ay kadalasang inaaresto dahil sa paglabag sa batas kung saan ang mga biktima ay pinapangakuan ng proteksyon ng tagapagpatupad ng batas o public officials para hindi maaresto kapalit ng pera o ari-arian.

Ang isinusulong na batas ay may katumbas na parusa kagaya ng pagkakabilanggo, mabigat na multa, pagkakasibak sa serbisyo, pagkaka-demote sa posisyon at tuluyang pagtanggal sa karapatang makapagtrabaho sa gobyerno.

Show comments