MANILA, Philippines - Pormal nang sinampahan ng kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) ang may-ari ng Globe Asiatique (GA) at 16 iba pa kaugnay ng kontrobersyal na housing project nito sa Pampanga.
Sa reklamong isinampa ng PAG-IBIG at National Bureau of Investigation (NBI), kinasuhan nito ng syndicated estafa ang Chairman of the Board ng Globe Asiatique Realty Holdings Corp. na si Delfin Lee at 16 iba pa kasama na si Atty. Alex Alvarez ng legal department ng PAG-IBIG na nag-notaryo ng mga loan.
Ayon kay Atty. Rachel Angeles, hepe ng anti-graft division ng NBI, lumitaw sa kanilang imbestigasyon na peke ang humigit kumulang isang libong buyers na ginamit nito nang mag-aplay ng loan sa PAG-IBIG.
Sa reklamo ng PAG-IBIG, aabot umano sa P6.3 bilyon ang nakuha ng GA dahil sa scheme na ginawa nito.
Nakita pa sa imbestigasyon ng NBI na karamihan sa mga ginamit ni Lee sa mga pekeng loan ay mga unemployed, tricycle driver at tindera na binayaran umano nito.
Una ng pinaimbistigahan ni Vice President at Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) Chairman Jejomar Binay ang mga ulat ng mga bogus loans sa Xevera project ng GA sa Mabalacat, Pampanga.
Sinabi pa ni Angeles na non-bailable ang syndicated estafa at sakaling maisulong sa korte ang kaso laban sa mga nabanggit ay habambuhay na pagkabilanggo ang maaaring kaharapin ng mga ito.