MANILA, Philippines - Muling inulit ni dating NEDA Secretary Romulo Neri na siya ay pinangakuan ng “200” ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos pero hindi anya malinaw kung para saan ito.
Ito ay sinabi ni Neri nang mag-testify kahapon sa fourth division ng Sandiganbayan kaugnay ng kasong graft ni Abalos ukol sa kontrobesiyal na Zte broadband project.
Dinagdag ni Neri, sinabi sa kanya ni Abalos ang katagang “Sec, may 200 ka dito” habang nasa golf sa Wack Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong noong 2006.
Ginawa umano ang offer ilang araw matapos siyang bisitahin ni Abalos sa kanyang tanggapan noon sa NEDA at doon siya naimbitahan na maglaro ng golf.
Habang nagtuturo si Abalos kay Neri sa paglalaro ng golf, dito na umano naipasok ni Abalos ang tungkol sa “200” pero hindi naman niya ito inintindi.
Nilinaw din ni Neri sa graft court na ang ibig sabihin ng 200 ay P200 milyon ang mapupunta sa kanya bilang suhol maaprubahan lamang ng tanggapan ang $329-million national broadband project.
Ayon naman kay Associate Justice Gregory Ong, chairman ng 4th division ng Sandiganbayan na baka ang 200 ay 200 yards, 200 shares, 200 golf clubs, 200 golf balls, o 200 women.
“It was my impression. It cannot be P200 because it was a big project. The project was P16 billion. I compared it the amount offered to me to the size of the project,” tugon dito ni Neri.
Snabi din ni Neri na makaraan ang laro sa golf, nakipag-meeting sila ni Abalos sa opisyales ng Chinese embassy at opisyales ng ZTE Corp. ng China sa Makati Shangri-La.
Ayon kay Neri, hindi niya inaasahan noon na si Abalos ay magtutungo sa meeting na ‘yon dahil ang alam niya ang ipakikilala lamang sa kanya ng mga opisyal ng Chinese embassy at investors mula sa kanilang bansa.
Kaugnay nito, pinagmulta din ng graft court si Neri ng P1,000 bilang bayad nang tumunog ang cellphone nito bago umupo sa witness stand.
Bago ang pagdinig, niliwanag ng graft court sa lahat na isara ang cellphone kapag nasa loob ng korte.