MANILA, Philippines - Sinimulan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang paghihigpit sa seguridad sa lahat ng pantalan at mga sasakyang pandagat para sa inaasahang pagdagsa ng pasahero ngayong “All Saints day”.
Nanawagan din si PCG Commandant Admiral Wilfredo Tamayo sa mga biyahero na makipagtulungan sa mga tauhan ng PCG lalo na sa isinasagawang inspeksiyon dahil para lamang ito sa seguridad nila. Dapat din umanong tatlong oras bago ang takdang pagtulak ng barkong sasakyan ay nasa Pier na ang mga pasahero upang magkaroon ng sapat na panahon sa anumang aberya at inspeksiyon ng kanilang mga bagahe.
Mahigpit din minomonitor ng PCG ang inaasahang paglutang ng mga kolurum na sasakyang pandagat na kadalasang inilalabas lamang sa ‘peak season’ tulad ng Undas. Hindi umano dapat tangkilikin ang mga kolorum na barko o lantsa dahil walang kaseguruhan na mapanagot ito sa anumang aksidente sa paglalayag bukod pa sa hindi sumailalim sa legitimate inspection bago ang pagbiyahe.