Naaagnas na bangkay sa Kuwait, Pinay

MANILA, Philippines - Kinumpirma ng embahada ng Pilipinas na ang naaagnas na bangkay ng isang babae na natagpuan noong nakaraang linggo sa bubong ng isang gusali sa bansang Kuwait, ay isang Pinay.

Sa report ni Vice Consul Rea Oreta sa Department of Foreign Affairs (DFA), kinilala ang biktima batay sa pasaporte nito na si Jenny Dechosa, 33, tubong Misamis Oriental, nagtatrabaho sa isang saloon sa Salmiya at nagpa-part time job din bilang tagalinis ng bahay.

Ani Oreta, mismong Criminal Investigation Division (CID) na ng Kuwait ang nagkumpirma sa kanila na ang biktima ay isang Pinay, at ang kaso nito ay kasalukuyan na umanong iniimbestigahan ng mga lokal na awtoridad.

Isang Egyptian national na rin umano, na sinasabing caretaker sa gusali kung saan natagpuan ang bangkay ng biktima, ang inaresto ng CID, kaugnay sa kaso, at kasalukuyan na itong nakadetine sa Bayan Police Station.

Batay sa mga naglabasang ulat, ang naturang suspek ay kasintahan ng biktima, ngunit tumanggi naman umano ang CID na magbigay pa ng karagdagang impormasyon hinggil sa kaso dahil itinuturing itong ‘confidential.’

Show comments