Iskolarship sa mga anak ng sundalo isinulong ni Villar

MANILA, Philippines –  Inaasahang makakatanggap na ng mas maraming benepisyo mula sa gobyerno ang mga anak ng mga military personnel sa pamamagitan ng education bill na isinumite kamakailan sa House of Representatives ni neophyte Congressman Mark Villar ng Las Piñas City.

Ayon kay Rep. Villar, ang House Bill No. 3433 o ang “Scholarship Grants for the Children of the Members of the Armed Forces of the Philippines (AFP) Act” ay naglalayong mahikayat at mabigyan ng reward ang mga kasundaluhan sa kanilang selfless act para sa bansa at ito rin ang magbibigay daan para maitaas ang kanilang morale upang epektibo nilang magawa ang kanilang sinumpaang tungkulin at responsibilidad para sa bayan.

Ang scholarship grant ay kabibilangan ng pre-school, elementary, secondary at maging sa tertiary education at puwedeng gamitin sa lahat ng public schools at state universities sa alinmang panig ng bansa.

Tanging ang mga lehitimong anak ng mga AFP members, nang hindi lalagpas sa apat, ang maaaring mag-avail ng scholarship grant, subalit kailangan munang maipasa nila ang academic requirement para makapag-aral sa napiling eskuwelahan, state university at kolehiyo.  

Kabilang sa mga ahen­sya ng gobyerno na aatasang magpatupad ng panukala ang DepEd at CHED at susuportahan ng AFP.

“Ang panukalang batas na ito ay isang pagkilala sa pagsisikap ng ating mga miyembro ng AFP para pangalagaan ang kapayapaan at kalayaan ng bansa. Isinasakripisyo nila ang kanilang oras na dapat sana’y ginugugol nila sa piling ng kanilang pamilya para pagsilbihan ang ating bansa. Ang tanging magagawa natin ay bigyan siya ng mga karagdagang insentibo para siguraduhing magkakaroon ng mas maayos na buhay ang kanilang mga anak,” ani Villar.

Show comments