MANILA, Philippines - Kinatigan kahapon ng Commission on Elections ang kahilingan na makapagdala ng armas o baril ang mga mahistrado, hukom at piskal sa kabila ng umiiral na total gunban bunsod ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Lunes, Oktubre 25.
Naniniwala ang Comelec na hindi naman gagamitin ng mga mahistrado, hukom at piskal ang kanilang baril sa masamang gawain.
Ikinagalak naman ng League of Judges and Prosecutors of the Philippines ang naging resolusyon na ito ng Comelec.
Ayon kina Philippine Judges Association (PJA) President Antonio Eugenio at National Prosecutor’s League of the Philippines (NPLP) President Jonathan Lledo, makakaasa ang Comelec na ang kanilang grupo ay pawang mga responsible gun owner.
Sinabi ni Eugenio na hindi nila mapapayagang may kasamahan na naman silang mapatay tulad ng pinakahuling insidente ng pagpaslang sa isang hukom na si Judge Reynaldo Lacasandile ng Ilocos Sur RTC.
Noong Agosto 2010 lamang ay napaslang naman sa Iligan City si Lanao del Norte Prosecutor Macatatar Marsangka habang tinangkang dukutin naman si Prosecutor Irene Meso sa Cagayan de Oro.
Ipinaliwanag ni Eugenio na malaking tulong ang gun ban exemption para sa proteksyon ng mga hukom lalo na’t kahit mga babaeng judge umano ay nagdadala na rin ng armas bilang proteksyon. (Gemma Garcia/Ludy Bermudo/Mer Layson/Doris Franche)