'Huwag mag-panic' - Malacañang
MANILA, Philippines - Pinayuhan kahapon ng Malacañang ang publiko na huwag mag-panic at sa halip ay maging alerto matapos pumasok sa bansa ang bagyong Juan na sinasabing magdadala ng maraming ulan katulad ni Ondoy noong nakaraang taon.
Sinigurado rin ng Palasyo ang publiko sa pamamagitan ni Deputy Presidential Spokeswoman Abigail Valte na nakahanda ang lahat ng ahensiya ng gobyerno para matugunan ang anumang pinsala na gagawin ni Juan.
Pinayuhan din ang mga mamamayan na palaging i-monitor ang galaw ng bagyo upang alam nila kung saan ang tungo nito.
Sinabi ni National Disaster Risk Management and Reduction Center (NDRMRC) Executive Director Benito Ramos, nakaantabay na ang libu-libong sundalo at mga reservist ng AFP sa mga rehiyon sa bansa na tatamaan ng bagyo.
Nakahanda na rin ang mga ambulansya, military trucks, rubber boats, mga gamot at iba pang kakailanganin para makasagip ng buhay.
Inihanda na din ng DSWD sa Metro Manila ang mga family food packs at iba pang non-food items.
Ayon naman kay Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Wilfredo Tamayo, nagpalabas na sila ng babala sa mga mangingisda at mga sasakyang-pandagat na manggagaling sa Visayas at Mindanao na daraan sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng bagyong Juan.
Noong Biyernes ay nanawagan si Pangulong Aquino sa mga mamamayan lalo na sa mga maaapektuhan ng bagyo na makipagtulungan sa mga opisyal ng lahat ng sangay ng gobyerno katulad ng barangay, municipal, provincial at national.
- Latest
- Trending