MANILA, Philippines - Tax evasion ang tinitingnang anggulo ng National Housing Authority (NHA) at Home Guaranty Corporation (HGC) sa umano’y pagbebenta sa mababang presyo ng lupang nabili sa Manila Harbour Centre.
Ayon sa HGC officials na tumangging magpabanggit ng pangalan, kuwestiyunable ang pagkakabenta ng sister company ng RII Builders na Sunglow Land, Inc. sa halagang P6,000 kada metro kuwadrado na malayo sa itinakda nilang P25,000 per square-meter.
Sa Deed of Sale na nakuha ng NHA-HGC, lumitaw na noong September 2, 2002 ay sinasabing nagbenta ang Sunglow sa MMG Resources, Inc. ng lupang may sukat na 4,246 square-meters sa Lot 14 Block 4 ng Harbour Centre na umabot sa P25,783,560. Lumilitaw dito na umaabot lamang ang presyo ng property sa P6,072.44 per square-meter.
Noong Pebrero 26, 2004, nagbenta umano ulit ang Sunglow sa MMG Resources ng panibagong 4,247 square meters na kabuuang halagang P25,482,000 o umaabot lamang sa P6,000 kada metro-kuwadrado.
Ibinunyag pa ng opisyal na sunud-sunod na nagbenta ng lupa sa naturang lugar ang RII Builders sa mababang presyo kung kaya hindi malayo ang posibilidad na nalugi ang gobyerno sa buwis na dapat nitong bayaran.
Nauna rito, kinasuhan ng RII Builders sa Office of the Ombudsman ang mga opisyal ng NHA at HGC dahil nagbenta raw ang mga ito ng lupa sa pareho ring area sa halagang P13,000 bawat metro-kuwadrado.
“Bakit kami ang kakasuhan nila gayong sila mismo ay nagbenta ng lupa na malayong-malayo sa totoong presyo na gusto nilang mangyari na P25,000?” sabi pa ng opisyal ng HGC.