MANILA, Philippines - Namemeligro ang operasyon ng mga flood control project ng pamahalaan sa Metro Manila makaraang bawasan ng Kongreso ang budget ng Metro Manila Development Authority para sa proyekto.
Ito ang ipinahiwatig ni Congressional Committee on Metro Manila Development Rep. Toby Tiangco na nagsabi na mahihirapan ang MMDA na maisakatuparan ang tungkulin nito sa operasyon at pagmamantini ng mga flood control project dahil mula sa dating panukalang budget ng ahensya na P2.076 bilyon ay hinati at ginawa na lang itong P981 milyon para sa taong 2011.
Sa kasalukuyan, responsibilidad ng MMDA ang 52 pumping station sa Metro Manila maliban sa CAMANAVA (Caloocan-Malabon-Navotas- Valenzuela) na hindi pa natatapos.
“Sa unang pagkakataon, wala nang turuan dahil inako na ng MMDA ang tungkuling mamahala sa flood control sa kalakhang Maynila pero, kung babawasan ang kanilang budget, paano nila maisasakatuparan ang tungkuling ito,” sabi pa ni Tiangco.
Tatapusin ng Kongreso sa susunod na linggo ang mga pagdinig sa budget kaya umaapela si Tiangco na ibalik sa dati ang budget ng MMDA para epektibong maisagawa nito ang mga tungkulin nito sa traffic and transport management, solid waste disposal and management at flood control.