Brownout sa 2011, nakaamba sa MM
MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang Department of Energy (DOE) na posibleng magkaroon ng malawakang brownout sa Kamaynilaan at ilang bahagi ng Luzon sa susunod na taon dahil hindi pa napupuno ang lahat ng hydro-electric dam na pinagkukunan ng suplay ng kuryente sa Luzon.
Ayon kay Energy Secretary Jose Rene Almedras, na dumalo sa budget hearing ng Senado kahapon, kakapusin ng mahigit 300 megawatt hanggang 500 megawatt ang imbak na kuryente sa 2011.
Umaasa umano ang DOE na kahit “ber” months na ay magkaroon pa rin ng ulan upang mapuno ang mga hydro-electric dam sa Luzon.
Sinabi pa ni Almendras na magkakaroon ng malaking problema sa suplay ng kuryente kapag may plantang bumagsak dahil lalong magkakaroon ng shortage.
Ayon naman kay Sen. Ralph Recto, base sa estimate ng mga independent power producers (IPPs) mas malaki pa sa 300MW ang magiging kakapusan ng suplay ng kuryente sa susunod na taon.
Aminado naman si Almedras kung hindi magdadala ng ulan ang sinasabing La Niña, mas malaki pa sa 300 MW ang magiging kakulangan sa kuryente.
- Latest
- Trending