MANILA, Philippines - Posible umanong dumami ang mga batang hindi makakapag-aral dahil sa isinusulong na K+12 program ng Department of Education.
Ayon kina Manila Crusaders for Peace and Democracy (MCPD) president Ben Perez at Citizens’ Crusade for Peace and Pro gress (CCPP) president John Dee, kontra mahirap at malaking kalokohan ang pagpupumilit ng karagdagang dalawang taon sa elementary at high school.
Ayon kay Perez, hindi lahat ng bata ay nakakatapos ng high school dahil sa kakapusan ng pondo ng kanilang mga magulang.
“Sa K plus 12, karagdagang dalawang taon ng baon, uniporme, pamasahe, school supplies at iba pang pangangailangan para sa bata. Hindi ito popondohan ng Gobyerno. Kung walang pagkukunan ang mga magulang, paano,” ayon kay Perez.
Sinabi rin ni Dee, na anuman ang itayo o bilihin nila para sa K plus 12 ay walang silbi kung mas kaunti o walang estudyanteng gagamit ng mga ito dahil lamang sa hindi na kaya ng kanilang mga magulang ang karagdagang gastos pang-iskuwela.
“Ang mahigit P60 billion na gagastusin sa K plus 12 ay sapat na para sa ilampung libong iskolarship para sa mga batang mahihirap o sa libu-libong kakulangan sa libro na Gobyerno na mismo ang nagsasabi,” ayon kay Dee.
“Anong klaseng trabaho — messenger, janitor? Mga professional ang hinahanap ng mga kumpanya at hindi lamang high school graduate. College education ang kailangan ng mga bata, hindi dagdag na dalawang taong pahirap para sa kanilang mga magulang,” tugon nila sa sinabi ni DepEd Sec. Armin Luistro na sa K plus 12, mas magiging madali sa mga bata ang makahanap ng trabaho pagkatapos ng high school.