MANILA, Philippines - Dahil sa sunud-sunod na pangingidnap sa mga lokal na negosyante sa Cotabato City, iminungkahi sa pamahalaan ng isang Obispo ng Simbahang Katoliko na isailalim sa Martial Law ang lungsod.
Ayon kay Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo, may tatlong taon na umanong nagaganap ang kidnapping incidents doon kaya’t dapat na itong gawan ng aksiyon ng gobyerno.
Naniniwala ang Obispo na mas makabubuti kung magpapadala ang pamahalaan ng Philippine Marines sa Cotabato at magpapatupad ng Batas Militar upang maibalik ang kaayusan sa lugar.
Ilang negosyante na ang kinidnap sa Cotabato City, at ang pinakahuli ay ang Fil-Chinese businesswoman na si Conchita Tan. Napatay ang mga retiradong Marine soldier na sina Edward Doruelo at Richard Emberga, na security escort at driver ng biktima.