MANILA, Philippines - Hinarap kahapon ni dating Pangulo at ngayo’y Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo ang kasong plunder na isinampa sa kanya sa Department of Justice ng private complainant na si Danilo Lihaylihay.
Kasama ang abogadong si Atty. Estelito Mendoza, nagsumite si Arroyo ng kanyang counter affidavit na sinumpaan nito sa harap ni Senior State Prosecutor Peter Ong, na siyang pinuno ng panel of prosecutor na may hawak sa kaso.
Sa kanyang affidavit, kinuwestiyon ni Arroyo ang jurisdiction ng DOJ sa pagsasagawa ng preliminary investigation sa kaso niyang plunder dahil dapat umanong nasa hurisdiksiyon ito ng Office of the Ombudsman na may kapangyarihang magsagawa ng imbestigasyon, alinsunod sa batas.
Nagtataka naman si Atty. Mendoza kung bakit nagtakda kaagad ng preliminary investigation ang DOJ para sa nasabing kaso gayong napakahina at katawa-tawa aniya ang basehang ginamit ng complainant.
Batay sa reklamo, dapat umanong managot sa kasong plunder si dating Pangulong Arroyo dahil sa pagbebenta ng pamahalaan sa Old Iloilo Airport sa Megaworld Corporation nang hindi binayaran ang buwis na nagkakahalaga ng P70 milyon.
Sinabi naman ni Arroyo sa kanyang affidavit na walang buwis na maaaring habulin sa nasabing transaksiyon dahil ang gobyerno ang nagbenta ng nasabing property at exempted ito sa pagbabayad ng capital gains tax.
Lumilitaw rin aniya na hindi pasok sa plunder ang nasabing kaso kundi paglabag lamang sa Internal Revenue Code na nasa jurisdiction naman ng BIR.