Motorsiklo, bisikleta, mini-skirts, bakya, shorts, etc. bawal sa Malacañang
MANILA, Philippines - Wala ng karapatan ang mga bisikleta at motorsiklo na pumarada sa Malacanang compound kundi ang puwede na lamang pumarada ay ang mga kotse matapos magpalabas ng memorandum ang Palasyo.
Sa ipinalabas na memo ni Deputy Executive Secretary Ericson Alcovendaz para sa opisyal at empleyado ng Office of the President-proper, mahigpit ng ipinagbabawal ang pagpaparada ng bisikleta at motorsiklo sa Malacanang compound bagkus ay dapat pumarada sa Alvez park.
Nakapaloob din sa memo ang pagbabawal sa mga babaeng empleyado na magsuot ng ‘spaghetti strap blouse, plunging neckline, mini-skirts, walking shorts, cycling shorts, leggings, tights at jogging pants.
Bawal na rin ang pagsusuot ng maong pants, rubber shoes, sandals, tsinelas at bakya bilang pagtupad na rin sa dress code. Mahigpit ding ipinapatupad sa Malacanang complex ang ‘no smoking’.
Bawal na rin ang pagdadala ng bata sa work place sa Palasyo.
Nagreklamo naman ang ilang empleyado ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) gayundin ang ilang private media dahil sa ipinalabas na memo dahil sa nagiging ‘anti-poor’ ang nasabing memo kung saan ay ang pinapayagan na lamang pumarada sa Malacanang compound ay ang mga kotse pero pinagbawalang makapasok sa compound at pumarada ang mga bisekleta at motorsiklo.
- Latest
- Trending