MANILA, Philippines - Umaabot na sa 192 katao ang naaresto ng mga awtoridad sa iba’t-ibang checkpoints sa bansa na naglalayong matiyak ang mapayapa at maayos na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa darating na Oktubre 25.
Ayon kay PNP Spokesman Sr. Supt. Agrimero Cruz Jr., ito’y matapos na 27 pang indibidwal ang masakote sa Comelec gun ban sa ilalim ng Joint Security Control Center (JSCC).
Inihayag nito na umpisa ng ipatupad ang gun ban ay nasa 192 katao na ang kabuuang naaresto na kinabibilangan ng 9 na opisyal ng gobyerno, apat na pulis at dalawang sundalo.
Sinabi ni Cruz na nakasamsam rin ng 13 pang karagdagang mga armas, siyam na patalim at limang eksplosibo na karamihan ay mga hand grenade.
Kaugnay naman ng ilang insidente ng karahasan, ayon kay Cruz ay ipinag-utos na ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo ang pagpapaigting pa ng gun ban.