MANILA, Philippines - Naniniwala ang Malacañang na ang patuloy na mga banta ng ilang lider ng Simbahang Katoliko ay posibleng makadiskaril sa planong dialogue ni Pangulong Benigno Aquino III sa Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP).
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, mas makakabuting manatiling kalmado at iwasan ang pagbibigay ng mga komento na lalo lamang magpapalala sa tension sa pagitan ng gobyerno at CBCP sa isyu ng responsible parenthood.
Ayon kay Sec. Lacierda, dapat ay manatiling kalmado ang lahat at iwasan na ang pagbibigay ng mga kuro-kuro o patuloy na pagbabanta sa gobyerno kaugnay sa isyu ng responsible parenthood na sinusuportahan ni Pangulong Aquino at sa nakasalang na Reproductive Health bill sa Kamara.
Aniya, nagkaroon na ng inisyal na dayalogo si Pangulong Aquino sa CBCP at inaayos na ang mas malaking dialogue sa pagitan ng gobyerno at CBCP ukol sa isyu.
Magugunita na sinabi ni Fr. Juanito Figura, secretary-general ng CBCP, na opsyon pa rin ng Simbahan ang civil disobedience sakaling suportahan ni P-Noy ang RH bill.