MANILA, Philippines - Matapos ang isinagawang re-raffle ng Supreme Court sa impeachment case ni Ombudsman Merceditas Gutierrez, mayroon nang bagong mahistrado na hahawak sa kaso nito kung saan napunta ito sa Chamber ni Associate Justice Conchita Carpio- Morales. Kung saan ay itinakda ngayong hapon ang oral argument nito.
Matatandaan na nagbitiw sa pagresolba o paghawak ng nabanggit na kaso si Associate Justice Presbiterio Velasco dahil na rin sa ang anak nitong si Lord Allan Velasco ay miyembro ng Kamara bilang kinatawan naman ng Marinduque.
Magugunitang nagpalabas noong nakalipas na buwan ng status quo ante order ang SC para pigilan ang pagpapatuloy ng Kongreso sa kanilang pagdinig sa impeachment case ni Gutierrez dahil na rin sa kahilingan ng Ombudsman.
Inilatag na ng SC ang mga guidelines para sa magaganap na oral argument kaugnay sa usapin ng impeachment case laban kay Gutierrez.
Inatasan ng High Tribunal ang magkabilang panig sa kaso na isentro ang debate ngayon sa kung tama ang inihain na petition for certiorari and prohibition sa korte; kung ang house committee on justice ay nag-eexercise ng judicial, quasi judicial o ministerial function; kung ang isyu ng paglabag sa one year ban sa ilalim ng par 5 sec 3 article 11 ng saligang batas ay maaring dinggin ng korte at Kung nagkaruon ng grave abuse of discretion ng ilabas ng kamara ang Sept 1 at Sept 7 na resolusyon na nagsasaad na ang dalawang impeachment complaint laban kay Gutierrez ay sufficient in form at substance.
Tatalakayin din sa oral argument kung ang dalawang resolusyon ng house committee on justice ay labag sa Sec 3 Article 11 ng saligang batas kung saan nakasaad ang pagbabawal sa pagkakaruon ng impeachment proceeding laban sa isang opisyal ng hindi lalagpas ng isang beses sa loob ng isang taon.
Magsisimula ang oral argument ganap na alas-2 ng hapon ngayon. Tulad nang nakagawian, bibigyan ang bawat partido ng 30 minuto upang ihayag ang kanilang mga argumento.