Lim ok makulong

MANILA, Philippines - Handa si Manila Mayor Alfredo Lim na makulong sa New Bilibid Prison kung ito ang parusang ipapataw sa kanya kaugnay ng palpak na Aug. 23 hostage-taking.

Ayon kay Lim, susundin at irerespeto niya ang magiging desisyon ni Pangulong Noynoy Aquino kaugnay ng rekomendasyon ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC).

“Siya ang presidente natin, people’s President ‘yan. Kung ano ang magiging desisyon niya, yuko ang ulo natin, tatanggapin natin, whatever it is, kung gusto nila ipa-Bilibid nila ako,” ani Lim.

Wala naman umano siyang karapatan suwayin ito dahil naniniwala siyang bahagi lamang ito ng kanyang tungkulin sa publiko.

Batay sa IIRC report, dapat sampahan ng kasong administratibo at kriminal si Lim kaugnay sa madugong hostage crisis sa Quirino Grandstand.

Sinabi ni Lim na naniniwala siyang ginawa ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang lahat upang maging matagumpay ang pagpapalaya sa mga hostage ni dating Sr. Insp. Rolando Mendoza. Walong HK nationals ang nasawi sa insidente habang napatay din si Mendoza.

Giit ni Lim, wala naman siyang sinisisi sa sitwasyon dahil walang sinuman ang may gustong mangyari sa madugong hostage. Aniya, wala rin siyang sama ng loob kahit na kanino bagaman siya ang pinagtutuunan ng sisi sa IIRC report. 

Samantala, nakahan­da nang isumite kay Pangulong Aquino ang ginawang pagrebyu sa IIRC report.

Sinabi ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., tapos na nilang busisiin ni Chief Presidential Legal Counsel Eduardo de Mesa ang report at ihaharap na nila ang findings at recommendations ng legal team sa Pangulo.

Hindi naman matiyak ni Ochoa kung kailan ihahayag ni P-Noy ang kanyang pinal na desisyon.

Pero tiniyak ni P-Noy na kahit kaibigan o kapartido niya ang masagasaan sa IIRC report ay hindi niya ito pagtatakpan matapos na sumailalim sa due process.

Show comments