Miriam, Chavit nagkainitan
MANILA, Philippines - Kulang na lang ay tawaging imoral ng kampo ni Senator Miriam Defensor-Santiago si Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson matapos maghamon ang gobernador na magbitiw sa kaniyang posisyon ang senadora na nagdawit sa kaniya sa isyu ng jueteng.
Ayon kay Santiago, alam ng nakakaraming Pinoy kung anong uri ng tao si Singson at kung anong uri ng moralidad mayroon ito.
“The overwhelming majority of Filipinos know what kind of person Gov. Chavit Singson is and his brand of morality,” pahayag ng kampo ni Santiago.
Ayon pa sa kampo ni Santiago, alam din naman umano ng nakakaraming Pinoy kung anong uri ang pagkatao ng senadora na ibinoto ng nasa 16 na milyong Filipino sa nakaraang halalan.
Ipinagmalaki pa ng kampo ni Santiago na kaya nitong labanan ang korupsiyon sa gobyerno.
Nag-ugat ang patutsadahan sa kampo nina Santiago at Singson matapos sabihin ng senadora sa kaniyang privilege speech na operator ng jueteng sa Ilocos si Chavit kung saan kumikita ito ng halos P2 milyon isang araw.
Agad namang hinamon ni Chavit ang senadora na magbitiw sa kanyang tungkulin.
Gayunman, hindi maaaring sampahan ng kaso ang isang senador dahil sa kaniyang mga ibinubunyag sa plenaryo ng senado.
Matatandaan na bukod kay Chavit, pinangalanan din ni Santiago sina Atong Ang, Danny Soriano, Pampanga Governor Lilia Pineda, Aging Lisan, Tony Santos, Bonito Singson at Cong. Ronald Singson na mga umano’y jueteng operators.
Sinabi pa ni Santiago na namamayagpag ang jueteng sa bansa dahil pinapayagan ito ng hepe ng PNP at kalihim ng DILG na naghahati umano sa P300 milyong kita taun-taon.
- Latest
- Trending