MANILA, Philippines - Naglunsad ng all out war campaign ang Land Transportation Office (LTO) laban sa mga maanomalyang private emission testing centers na nag-iisyu ng pekeng test certificates sa mga sasakyan na sasailalim sa smoke test.
Sinabi ni LTO Chief Virgie Torres na agad niyang ipasasara ang sinumang private emission test centers na mahuhuling nagsasagawa ng non-appearance sa pagsuri ng usok ng mga sasakyan. Ang smoke test ay isang requirement sa pagrerehistro ng sasakyan.
Ayon kay Torres, inatasan na rin niya ang kanyang mga bagong commissioned na lady traffic enforcers at male counterparts upang hulihin ang mga mauusok na sasakyan na makikita sa lansangan.
Suportado naman ng pangulo ng Private Emission Test Center Operators Association (PETCOA) na si Tony Halili ang hakbanging ito ni Torres.
Ani Halili, kaisa sila sa programa ng LTO na makilala ang mga PETCs na patuloy na nagsasagawa ng non-appearance practice sa kanilang operasyon.