'Si Robredo ang dapat kasuhan' - Isko
MANILA, Philippines - Direktang tinukoy ni Manila Vice Mayor Isko Moreno si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo na siyang dapat na maunang kasuhan imbes na ang mga taong binanggit sa ulat ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC).
Naniniwala si Moreno na may mas malaking responsibilidad si Robredo na hindi niya ginampanan sa panahon ng hostage crisis at hindi rin dapat itong nag-i-imbestiga bagkus ay siya ang dapat iniimbestigahan dahil sa kapabayaan.
“Opo, si Robredo po ang tinutukoy ko, kasi po, ito ay isa na ngayong national concern, national crisis na rin kasi’y marami ang naapektuhan ng naturang report,” ani Moreno sa panayam ng ilang mamamahayag kahapon.
Matatandaang kinuyog si Moreno ng mga reporters noong Martes pero tumanggi siyang direktang tukuyin ang pangalan ni Robredo, pero kahapon ay buong tapang niyang inamin na si Robredo ang kanyang pinasasaringan at maging si Justice Secretary Laila de Lima.
Binigyan-diin ni Moreno na dapat ay parehong nasa crime scene sina Robredo at de Lima dahil ang problema ay may kaugnayan sa justice system ng bansa at maging sa actual police operation na nasa ilalim naman ng hurisdiksiyon ng DILG.
Sinabi naman ni Rep. Mitos Magsaysay na dapat managot mismo si Robredo sa alinmang aksiyon at desisyon nina Manila Mayor Fred Lim at Vice Mayor Moreno dahil nasa ilalim ito ng kanyang superbisyon.
- Latest
- Trending