MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng Food and Drugs Administration (FDA) na ligtas pa rin na inumin ng mga sanggol at bata ang dalawang brand ng gatas ng Mead Johnson na ipina-recall sa mga pamilihan dahil sa kakulangan umano ng sangkap.
Inamin ni Nazarita Tacandong, director ng FDA, na pagkakamali nila ang pagpapalabas ng pahayag na dapat isoli ng mga consumers ang nabili nilang Sustagen Junior Milk Powder vanilla flavor at Alactagrow Bibo Trio dahil sa maaari namang inumin pa rin ng mga sanggol at paslit ang gatas dahil sa walang panganib sa kalusugan.
Niliwanag ni Tacandong na nakalagay naman umano sa kanilang inilabas na advisory na walang problema sa kalusugan ang naturang mga pinare-recall na gatas. Nakasaad dito na pinare-recall ang mga gatas dahil sa kulang sa “fat content” na kailangan ng mga bata.
Ang naturang pahayag ay makaraang pumalag si Janryll Fernandez, communications director ng Mead Johnson, sa sinabi ng FDA na isoli na ng mga nakabili ang mga gatas. Iginiit rin nitong kulang lamang sa pamantayan na itinakda ng FDA ang kanilang mga produkto at hindi panganib sa kalusugan. (Danilo Garcia/Ludy Bermudo)