'Kill P-Noy' nabunyag!

MANILA, Philippines - Nabunyag ang uma­no’y plano na patayin si Pangulong Noynoy Aquino na isasagawa umano ng mga Private Armed Groups (PAGs) at teroris­tang grupo.

Sumingaw ang kill plot laban sa Pangulo matapos ibulgar sa isang radio station ni Cagayan de Oro City Mayor Vicente Emano ang naging usapan umano nila ni Defense Secretary Voltaire Gazmin sa nasabing assassination plot na maari umanong isagawa ng PAGs ni da­ting Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog.

Nabatid na nagtungo kamakalawa si Gazmin sa Cagayan de Oro City kung saan ay napag-usapan ng dalawang opisyal ang nasabing kill plot, ayon na rin kay Emano.

Sinabi ni Emano na ikinagulat niya nang mismong si Gazmin umano ang nagsabi sa kaniya ng planong pagtutumba sa Pangulo.

Ang nasabing balita sa tangkang paglikida kay P-Noy ay nangyari habang nasa Estados Unidos ito at nasa official function.

“Ako’y nagulat sa si­nabi niya sa akin na mayroong plano na patayin si President Aquino at ang nakakatawa ay tinukoy niya si dating Mayor Reynaldo “Aldong’ Parojinog Sr. na sa aking pagkakaalam ay hindi ito ka­yang gawin, ani Emano sa panayam sa radyo.

Hindi naman umano naniniwala rito si Emano kaya agad din niyang tinawagan si Parojinog na mariing tumanggi at sinabing pakana ito ng kaniyang mga kalaban sa pulitika.

Sa isang press conference naman, sinabi ni Mr. Eduardo Batac, Spokesman ni Secretary Gazmin na walang konkretong report sa assassination plot kay P-Noy pero posible ito.

“There is no specific threat, being a President he can be subjected to a lot of threats, there’s nothing concrete only possibilities,” paliwanag ni Batac.

Samantala, bumuwelta naman si Parojinog kay Misamis Occidental 2nd District Rep. Leo de Ocampos na siya umanong nagpapakalat ng balitang balak niyang ipapatay si Pangulong Aquino. Ang dalawa ay naging mahigpit na magkatunggali sa pagka-kongre­sista sa lalawigan.

Nilinaw naman ni Parojinog na kailanman ay hindi niya kayang pumatay ng tao lalo na sa pinakamataas na lider ng bansa.

Show comments