Ex-Taguig mayor madidiin sa 'midnight donation'
MANILA, Philippines - Namemeligrong madiin sa iba’t ibang kaso si dating Taguig Mayor Freddie Tinga dahil sa mga umano’y midnight donations at ilang kuwestiyunableng kontratang isinagawa ng kanyang administrasyon noong nasa puwesto pa siya.
Ito ang ipinahiwatig kahapon ni Taguig City Mayor Laarni Cayetano sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita na si Atty. Darwin Bernabe Icay na isa ring dating konsehal sa lunsod.
Sinabi ni Icay na malinaw na uulanin na ng kaso ang dating alkalde sa darating na mga linggo pagkatapos ng mga audit na ginagawa ng administrasyon ni Cayetano.
Sinabi ni Icay na malinaw sa pag-aaral ng Office of the Mayor na, mula 2008 hanggang 2010, naghahataw na umano sa kontrata si Tinga at iilang kumpanya lamang ang paborito niyang bigyan.
Sakop ng mga piling kumpanya na ito ang pagpapatakbo ng buong information technology infrastructure ng Taguig City Government nung panahon ni Tinga.
Pero ayon sa audit, hindi operational ang ilan sa kontratang ito at halos malaking bahagi ang maituturing na ghost projects o walang delivery. “Wala kang makitang sapat na gamit at personnel batay sa kontrata. O di kaya ay under delivered dahil sa kakulangan ng output mula sa mga kumpanya sa kasunduang pinirmahan ayon sa takdang panahon,” sabi pa ni Icay.
Sinabi pa ni Icay na hindi sila natitinag kahit “itinago o di kaya ay ipinamigay” ni Tinga ang mga sasakyan at kagamitan ng City Hall dahil pursigido si Cayetano na maibalik ang mga ito para mapakinabangan ng taumbayan.
Itinuturing na illegal umano ang mga “donasyon” ni Tinga ng mga sasakyan, kagamitan, at lupa na pagmamay-ari ng city hall sa mga kakamping barangay bago umupo si Cayetano. Kabilang dito sa sinisikap mabawi ng city hall ang mga 283 service vehicles, ambulances, fire trucks, tourist busses, military trucks, and motorcycles at maging mga office equipment, silya, sound system, audio visual equipment at iba pa.
Ayon pa kay Icay, binubusisi din ni Cayetano ang dambuhalang Special Projects Fund umano ni Tinga na nagkakahalaga ng 326 million pesos. Seven million na lang anya ang natira, at ang balanse ay nagastos na or “obligated” na. Dito sa pondong ito kinuha umano rin ang 70 million pesos na pambayad sa “packed snacks” sa isang supplier. Ito rin ang ginamit na pambayad sa “load cards” na pang cellfone na nagkakahalaga ng 15 million pesos na katumbas ng 30 Classrooms na napagawa na sana.
- Latest
- Trending