MANILA, Philippines - Mas mauuna pa ang gobyerno ng China na makaalam sa nilalaman ng report ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) sa hostage taking sa Quirino Granstand noong Agosto 23 kaysa sa publiko.
Sinabi kahapon ni Communications Strategy Secretary Ricky Carandang na ipapadala hanggang sa Lunes sa Beijing sa pamamagitan ng Chinese embassy dito sa Maynila ang report ng IIRC.
“We’re going to give a copy to Beijing. I talked to (Foreign Affairs) Secretary (Alberto) Romulo last night. He said we will transmit the copy through the embassy,” sabi ni Carandang.
Nais daw ni Pangulong Aquino na maipalabas na sa publiko ang nilalaman ng report sa lalong madaling panahon at hindi na kinakailangang hintayin ang delegasyong ipapadala sa China sa pangunguna ni Vice President Jejomar Binay bago maipalabas ang ulat.
Kung hihintayin pa na pormal na maipadala sa China ang kopya ng report ay matatagalan bago ito maipaalam sa publiko, wika ni Carandang.
“The President said he wants the report released at the soonest possible time, so it will be transmitted to the embassy then released to the public,” sabi ni Carandang.
Kabilang sa delegasyong ipapadala sa China sina Binay, Romulo at spokesman Edwin Lacierda.
Sa mga kumukuwestiyon kung bakit mas uunahin pa ang pagpapalabas ng kopya ng report sa Chinese government, sinabi ni Carandang na pagpapakita ito ng “courtesy” dahil mga mamamayan nila ang naging biktima ng trahedya.
Napagkasunduan din umano sa simula pa lamang ng imbestigasyon na bibigyan din ng kopya ng report ang gobyerno ng China.