Solon nagpasaring kay Lacierda
MANILA, Philippines - Isa umanong kahibangan ang pahayag ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na walang dapat katakutan ang Arroyo administration sa Truth Commission kung wala itong nagawang katiwalian.
“Hindi kami takot sa Truth Commission. Ang inaalala namin ay kung magkano ang mawawaldas sa salapi ng taumbayan at kung paano mababale-wala ang Konstitusyon,” tugon ni Negros Occidental Rep. Ignacio Arroyo.
Pinuna ni Arroyo na ang trabaho ng Truth Commission ay epektibo ring maisasagawa ng mga abugado ng Pamahalaan at ng Office of the Ombudsman kaya bakit anya kailangang gumastos pa ng salapi, oras at mga kagamitan sa isang bagong ahensiya kung maaari naman magawa ang trabaho nito ng ibang tanggapan ng walang anumang dagdag-gastos sa pamahalaan.
Binigyang din ni Arroyo na labag sa probisyon ng Konstitusyon na pantay na proteksiyon sa batas para sa lahat sapagkat ang Administrasyong Arroyo lamang ang itinakdang target sa pagbuo nito.
Pinayuhan ni Arroyo si Lacierda na mag-isip muna ng isang libong beses bago muling magbigay ng pahayag sa hinaharap.
- Latest
- Trending