MANILA, Philippines - Tinanghal na kampeon sa badminton ang reporter ng Pilipino Star Ngayon/Pang Masa na si Mer Layson at partner nitong si Radley de Mateo sa katatapos na palaro na inorganisa ng St. Anthony School Batch 86 na idinaos sa Solid House badminton Court, Makati City noong Sabado (Sept. 11).
Matagumpay na tinalo ng tambalang Layson at de Mateo ang ilang trainor at varsity na kanilang nakatunggali sa Level B division.
Nagbunga ng maganda ang ginamit na taktika na sipag, tiyaga at dedikasyon sa laro nina Mer at Radley kaya nila naipanalo ang lahat ng kanilang game sa kabuuang 16 na entry na kanilang ka-level (4 bracket). Ang kambal na sina Erick at Henry Peralta ng Villamor Team ang siyang nag-runner up sa Level B Men’s division.
Ang iba pang nag-champion sa ibang division ay sina Dette Zamora at Gigi Vincoy sa Women’s doubles Level B, runner up sina Baby Rodriguez-Villanueva at Mariz De Guzman.
Nagpakita rin ng gilas o exhibition game ang Philippine National Badminton Team sa pangunguna ni coach Allan de Leon at director Jeorge Agcaoli.