MANILA, Philippines - Isinisisi ng Department of Health (DOH) sa “El Nino phenomenon” ang biglaang paglobo ng kaso ng sakit na dengue sa bansa ngayon taon.
Sa pulong balitaan sa Tinapayan sa Dapitan, sinabi ni Assistant Secretary Elmer ng Punzalan na hindi maisasantabi ang katotohanan na ang pagtaas ng bilang ng mga may dengue ay bunsod na rin ng matinding init na dumating sa bansa.
Aniya, hindi naiwasan na mag-imbak ng tubig ang publiko na tumatagal na pimamumugaran naman ng mga lamok.
Nabatid na sa kasalukuyan ay umabot na sa 67,000 ang naitalang kaso ng dengue sa bansa na nai-report habang 435 sa bilang ang nasawi.
Kasabay nito, pinayuhan ni Punzalan ang publiko na painumin lamang ng paracetamol ang mga taong may lagnat na pinaghihinalaang may dengue at huwag aspirin.
Sinabi ni Punzalan na lalong bababa ang platelet ng dugo at lalong magdurugo kapag pinainom ng aspirin dahil may sangkap ang nabanggit na gamot na lalong nagpapababa sa bilang ng dugo.
Nagpapatupad na ang DOH ng nationwide monitoring sa mga kaso ng dengue, kung saan nitong Setyembre tinatayang may 30-35 pasyente ang naiko-confine kada araw sa mga hospital.
Nilinaw din ni Punzalan na hindi magdedeklara ng state of calamity ang pamahalaan sa kabila ng patuloy na paglobio ng kasong dengue dahil wala namang outbreak, bagama’t may mga lugar na naitala na may mataas na kaso ng dengue.