Mag-asawang Pinoy bibitayin sa Malaysia!
MANILA, Philippines - Isang mag-asawang Pinoy ang nakatakdang bitayin sa Malaysia dahil sa pagpupuslit ng droga.
Kinumpirma kahapon ni Department of Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Esteban B. Conejos Jr. ang nakatakdang pagbitay sa Pinoy couple na hindi muna pinangalanan matapos na pagtibayin ng mataas na hukuman sa Malaysia ang desisyon ng Court of Appeals na mapatawan ng parusang kamatayan ang mga ito.
Sa rekord, inaresto ang dalawa ng Malaysian authorities noong August 2005 sa Kota Kinabalu Daya Hotel sa Sabah dahil sa pagdadala ng 450 gramo ng shabu na natagpuan at isiniksik sa loob ng isang sapatos.
Matapos ang kanilang pagkakaaresto, humingi ng tulong ang mag-asawa sa Philippine post sa Malaysia at kumuha ng pribadong abogado na magtatanggol sa kanila.
Ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur, hindi ipinagbigay-alam ng Pinoy couple sa kanilang pamilya sa Pilipinas ang pagkakaaresto sa kanila hanggang sa umabot sa Hulyo 2009 kung saan patapos na ang paglilitis sa kanilang kaso.
Ayon kay Conejos, ginagawa na ng DFA ang lahat ng hakbang upang masagip sa takdang pagbitay ang mag-asawa.
- Latest
- Trending