City treasurer ng Maynila kinasuhan
MANILA, Philippines - Kinasuhan sa Commission on Elections ni dating Manila Mayor Lito Atienza ang City treasurer ng Maynila dahil sa umano’y paglabag sa Omnibus Election code bunsod sa kapabayaan nito na tiyakin ang integridad ng mga ballot boxes at mga laman nito kaugnay pa rin sa election protest ng dating Alkalde laban kay Mayor Alfredo Lim.
Sa tatlong pahinang affidavit complaint ni Atienza, ang mga ballot boxes ay inilagay ni City Treasurer Vicky Valientes sa Museo ng Maynila matapos ang May 10, 2010 elections subalit nang seselyuhan na ng Comelec ang mga boxes para sa revision proceedings nadiskubre na basa ng tubig ang mga ballot boxes at mga balota kung saan karamihan sa mga nabasa ay mula sa District 4 at 5.
Nakasaad sa batas na ang City treasurer ang dapat na mangalaga ng mga ballot boxes at ng nilalaman nito at may mandato din ito na gamitin ang lahat ng precautionary measure upang masiguro ang integridad at seguridad nito.
Giit ni Atienza, malinaw na kapabayaan ito kung saan ilang mahahalagang bilang ng mga ballot boxes at official ballot at iba pang election documents na nasa ilalim ng kanyang legal custody at pag-iingat nito ay nasira ng mga taong may masamang intensyon dito.
- Latest
- Trending