Retaliatory attacks ng Sayyaf hindi aabot sa Metro Manila
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi aabot sa Metro Manila ang ‘retaliatory attacks’ o resbak tulad ng mga pambobomba ng mga bandidong Abu Sayyaf Group.
Ito’y kasunod ng pagkakapatay sa isa sa mga lider ng Abu Sayyaf na si Gafur Jumdail, kapatid ni Abu Sayyaf Commander Gumbahali Jumdail, alyas Doc Abu Pula at dalawa nitong tauhan sa engkuwentro ng Special Action Force (SAF) sa Maimbung, Sulu dakong alas-12 ng hatinggabi noong Sabado.
Ayon kay PNP Spokesman Sr. Supt. Agrimero Cruz Jr., nasa normal alert lamang ang kapulisan sa Metro Manila hindi tulad sa Mindanao Region na inilagay sa full alert status.
Sa kabila nito, ayon kay Cruz, inutos din ni PNP chief Director General Jesus Verzosa na paigtingin ang seguridad sa Kamaynilaan, lalo na sa mga pangunahing instalasyon ng gobyerno at mga lugar na maraming mga tao.
Ilan sa dinoble ang seguridad ay ang mga pali paran, mga mass transport system at iba pang lugar.
Nagpalabas din umano ng direktiba ang Chief PNP sa mga Regional, Provincial Commanders at maging sa mga hepe ng pulisya na mag-report sa kanya ng assesment dalawang beses sa isang araw kung merong namo-monitor na banta sa seguridad ng taumbayan.
Sa panig naman ni AFP Spokesman Brig. Gen. Jose Mabanta, minaliit nito ang posibilidad na umabot sa Metro Manila ang paghahasik ng karahasan ng mga bandido pero sa tuwina’y nakahanda ang tropa ng militar.
Idinagdag pa nga na may sapat na puwersa ang AFP- National Capital Region Command (AFP-NCRCOM) para tumugon sa mga banta ng terorismo sa Metro Manila.
- Latest
- Trending