1 pang Pinoy na pinatay ng Fil-Am, hanap

MANILA, Philippines - Isa pang Pinoy na pinaniniwalang pang-limang biktima ng pagpatay ng kapwa Pinoy ang hinahanap ngayon sa isang tambakan ng basura sa Pittsburgh, California sa Estados Unidos.

Sinimulan nang maghukay ng mga search and rescue team at volunteers upang makita ang katawan ng nawawalang Pinoy na si Frederick Sales, 35, na posibleng ibinaon sa Keller Canyon Landfill sa nasabing lugar.

Pinaniniwalaan ng mga US investigators na si Sales ay ang ika-limang biktima na pinatay ng Filipino-American na si Efren Valdemoro.

Si Valdemoro ay nabaril at napatay ng US police sa loob ng Asian Supermarket sa Richmond matapos ang matinding habulan dahil sa pagpatay sa tatlong kababaihan kabilang ang dalawang Pinay at isang matandang Pinoy. Ang dalawang Pinay na sina Segundina Allen at Macaria Smart, pawang nasa mahigit 60 ang edad ay natagpuang patay sa bahay ni Allen noong Miyerkules.

Maging ang sinasabing nobya ni Valdemoro na si Cindy Tran ay pinatay ni Valdemoro at nakita ng pulisya ang bangkay ng babae sa sasakyan mismo ng suspek.  

Ang pang-apat na biktima ay ang ama ni Sales na si Ricardo Sales, 73, na natagpuan naman ang bangkay sa inuupahang bahay nito noong Sabado.

Samantala ang naka­babatang Sales ay iniulat na nawawala noong pang Agosto 26.

Ang Keller Kanyon landfill ang tapunan ng basura ng North Shore Business Center kung saan nagtatrabaho si Valdemoro bilang security guard.

Show comments