MANILA, Philippines - Tila naiwan umano sa mga pulis ng Manila Police District ang pagdedesisyon sa mga krusiyal na oras ng hostage crisis dahil walang matataas na opisyal ng Crisis Management Committe ang nasa hostage site bago ang pagwawala ng hostage-taker na si dating Sr. Insp. Rolando Mendoza at ang assault sa bus.
Ito ang initial assessment ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) na pinamumunuan ni Justice Secretary Leila de Lima dahil na rin umano sa nakita ng IIRC ang pagtungo ni Mayor Alfredo Lim at dating MPD director Chief Supt. Rodolfo Magtibay sa Emerald Restaurant, ang pag-alis ni Vice Mayor Isko Moreno mula sa command post na nagtungo sa Manila Pavillion, dagdag pa ang report ng negosyador na ni-reject ni Mendoza ang Ombudsman at nag-warning shot pa, ay wala pa ring aksyon ang CMC.
Sinabi rin ni de Lima na wala silang nakikitang pagpupulong ng CMC at tila naging kampante umano sila dahil maging ang trabaho at responsibilidad ng mga ito ay nasakop na ni Magtibay.
Sa pagsalang kahapon ni Moreno sa pangalawang araw ng Fact Finding Investigation ng IIRC, lumalabas na bukod kay Mayor Lim wala rin sa site ng hostage-taking si Moreno kayat walang naging maayos na komunikasyon ang Local Crisis Committee sa hostage-taker na si Mendoza.
Inamin ng bise alkalde ng Maynila na pagkaraan na mabasa ni Mendoza ang liham mula sa Office of the Ombudsman ay umalis na ito sa command post at nagtungo sa Manila Pavillion hotel dahil sa wala na rin umano sa Quirino grandstand si Lim.
Hindi naman nasagot ng malinaw ni Moreno ang katanungan ni DILG Secretary Jesse Robredo kung ano ang pagkakaintindi ng bise alkalde sa CMC at kung ano ang tungkulin ng CMC.
Duda si Robredo na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan kung ano ang dapat na papel ni Magtibay bilang ground commander at kung ano ang papel ng CMC.
Naniniwala naman si Moreno na hawak na ng pulisya ang kontrol sa insidente kayat umalis na ito at nagtungo sa hotel hindi kalayuan sa lugar at doon na nagmonitor sa telebisyon sa mga pangyayari.
Pero sinabi ni Moreno na ang naging partisipasyon ng lungsod ng Maynila ay ang pagtatayo ng Crisis Center na may mga miyembro ng doktor, psychologist at paglalaan ng ambulansya.
Ibinunyag din ni Moreno na nagkausap sa telepono sina Ombudsman Merceditas Gutierrez at ang hostage-taker na si Mendoza pasado alas-3 noong Agosto 23 kung saan tiniyak ni Gutierrez na personal niyang ire-review ang kaso ng pulis na naging dahilan ng pagkakasibak sa trabaho.
Sinabi ni Moreno na matapos mag-usap ng dalawa, kinausap niya si Mendoza at inarbor ang limang hostage kapalit ng naging pangako ni Ombudsman Gutierrez, pero isa lang ang pinakawalan ng hostage-taker.
Sa pagtatanong ng komite ay inamin ni Moreno na hindi niya alam na reinstatement ang isa sa demand ni Mendoza, ang tanging alam umano nito ay nais ng hostage-taker na madinig ng Ombudsman ang kanyang kaso.
Samantala, ipinag-utos kahapon ni de Lima sa National Bureau of Investigation (NBI) na makipag-ugnayan sa PNP-CIDG upang alamin kung sino ang kausap sa cellphone ng hostage-taker na si Mendoza ng basahin nito ang liham mula sa tanggapan ng Ombudsman at sinabi umano ng kausap ni Mendoza na “wala yan basura yan”.
Naniniwala si Moreno na ang nakapag-“agitate” kay Mendoza ay ng hindi nagustuhan ang sagot ng Ombudsman at ang pag-aresto sa kapatid nito na si SPO2 Gregorio Mendoza.