Nag-parachute sa payong dedo!
MANILA, Philippines - Isang Pinay ang iniulat na nasawi matapos na umano’y tumalon mula sa bintana ng ikapitong palapag ng isang gusali, gamit ang isang payong bilang parachute, sa pagtatangkang tumakas mula sa kaniyang employer sa Saudi Arabia, noong nakaraang linggo.
Kaagad namang hiniling ng grupong Migrante-Middle East sa Department of Foreign Affairs (DFA) na beripikahin ang ulat upang matulungan ang kaawa-awang Overseas Filipino Worker (OFW).
Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante Middle East Chapter, isang concerned OFW ang tumawag sa kaniya noong isang linggo upang ipaalam ang mapait na sinapit ng Pinay.
Gayunman, bigo umano ang naturang OFW na nagbigay ng impormasyon upang kilalanin ang biktima at kumpirmahin ang nasyunalidad nito, kaya’t ang Migrante na ang lumapit sa DFA upang humingi ng tulong.
“Concerned fellow OFWs called me up last week and informed us about the death of a domestic worker who reportedly jumped from the window of her employer’s flat on a higher floor of a building,” ayon kay Monterona.
Batay sa ulat ng online news provider na The Saudi Gazette nitong Miyerkules, isang katulong ang tumalon mula sa bintana ng unit ng kaniyang employer na nasa ikapitong palapag ng isang gusali, sa pagtatangkang tumakas mula sa amo.
Gumamit umano ang biktima ng payong bilang parachute ngunit hindi siya nakayanan nito at agad ding nasawi pagbagsak sa semento.
Maliban naman sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng biktima, hiniling rin ni Monterona sa DFA na sakaling matukoy na Pinay nga ito ay agad na imbestigahan ang mga sirkumstansiya na bumabalot sa kaniyang tangkang pagtakas, at pagkalooban ito ng mga kaukulang tulong.
- Latest
- Trending