MANILA, Philippines - Ipinatatanggal ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone ang drayber ng bus na positibo sa droga at ang pagtatanggal ng second chance policy na ibinigay ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga drayber na positibo sa illegal drugs.
“It should be one-positive- test-and-you-are-out policy. Drivers have a huge responsibility to the riding public. Once drivers are tested positive for illegal drug use, public utility operators should not be forced to adopt a second-chance policy, or a policy of leniency,” sabi ni Evardone.
Irerekomenda ni Evardone na lahat ng reckless drivers na masasangkot sa mga major accidents ay tanggalan ng lisensiya ng Land Transportation Office (LTO) para hindi na sila makalipat pa kung saan-saan para magmaneho ng mga sasakyan.
Ayon pa sa solon, ang mga doktor ay binibigyan ng parusa kapag pumalpak ang mga ito sa paggagamot dahil ang pinakaparusa nila sa malpractice ay ang kanselahin ang kanilang lisensiya para makapag-practice ng medicine kaya dapat ganito rin ang parusa na nararapat sa mga driver ng sasakyan na masyadong mga barumbado sa kalsada.
Sinabi ni Evardone, ang mga barumbadong drayber sa kalye at mga drayber na nakatira ng droga ang dahilan kung bakit grabe ang mga aksidente sa lansangan.