Mga kawani ng MWSS, 37 months ang bonus
MANILA, Philippines - Sa kabila nang malaking pagkalugi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), natuklasan kahapon sa pagdinig ng Senado na tumatanggap ng hanggang 37 months pay taun-taon ang mga opisyal at empleyado ng nasabing ahensiya.
Sa pagpapatuloy kahapon ng imbestigasyon ng Senate committees on finance at government corporations, inamin ni MWSS officer-in-charge Macra Cruz na bukod sa 12 buwang suweldo sa isang taon, may 25 buwang halaga ng bonuses ang natatanggap ng kanilang mga opisyal.
Kinumpirma rin ni Cruz na umabot sa P3.5 bilyon ang nalugi sa ahensiya noong 2008 samantalang P399 milyon noong 2009 dahil umano sa “fluctuation” ng foreign currency.
Nang tanungin ni Sen. Franklin Drilon si Cruz kung totoong 19 months ang halaga ng mga bonuses ng mga opisyal at empleyado ng MWSS, sinabi ni Cruz na mas mataas pa doon ang kanilang natatanggap dahil umaabot ito ng 25 months na bonus.
“You were paid 25 months and 12 months’ basic (salary). That’s a total of 37 months in a year,” sabi ni Drilon.
Kabilang sa mga bonuses ng mga opisyal at kawani ng MWSS ay ang mga sumusunod: anniversary bonus, midyear financial bonus, yearend financial assistance, productivity bonus, performance bonus, GOCC incentive bonus, educational assistance bonus, efficiency incentive benefits, performance enhancement incentives, corporate Christmas package, traditional Christmas bonus, calamity financial assistance, annual Christmas bonus, scholarship allowances at family week allowance.
Nauna rito, kinuwestiyon ni Drilon ang board chairman ng MWSS na si Oscar Garcia dahil sa pagtanggap ng P5.4 milyon sa pagdalo sa 47 meetings noong 2009.
Hindi humahawak ng anumang executive position sa ahensiya si Garcia kundi chairman lamang ng board at tumatanggap ng P14,000 per diem sa bawat meeting.
- Latest
- Trending