Bading na lamok isasabak vs dengue
MANILA, Philippines - Sa gitna ng lumalalang kaso ng dengue fever sa bansa binabalak ng Department of Health na gumawa ng genetic manipulation sa mga lamok upang ang insekto ay gawing binabae o hermaphrodite. Ito ay upang tuluyang sugpuin ang mga babaeng lamok na kung tawagin ay Aedes Aegypti na siyang pinagmumulan ng virus na nagdudulot ng nakamamatay na karamdaman.
Nakatakdang magdaos ngayon ng press conference sa Malacañang ang DOH sa pangunguna ni Secretary Enrique Ona at Usec. Eric Tayag upang ihayag ang mga gagawing hakbang ng DOH upang labanan ang epidemya ng Dengue.
Ayon sa DOH source, sa pamamagitan ng genetic manipulation, magpaparami ang DOH ng mga lamok na binabae na baog o walang kakayahang magre-produce o mangitlog. Ito ay inaasahang magpapababa sa bilang ng kaso ng dengue at kung magiging matagumpay ang eksperimento ay tuluyang susugpo sa uri ng lamok na nagdadala ng karamdaman.
Sa pinakahuling ulat, umaabot na sa bilang na 54,659 o 74.9% ang kaso ng Dengue sa buong bansa mula Enero – Agosto 14, 2010, at umabot na rin sa 429 ang namamatay sa naturang sakit, kaya naman ang mga pasyenteng ipinapasok sa mga pagamutan araw-araw ay halos hindi na ma-accommodate sa mga pampublikong ospital.
Pinakamataas ang bilang ng dengue mula sa Western Visayas na umabot sa 7,680 kaso ng dengue, sumunod ang Central Mindanao 6,470, CALABARZON 5,739, Eastern Visayas 5,543, National Capital Region 4,744, Southern Mindanao 4,658, at Northern Mindanao na may bilang na 3,935.
Ayon sa DOH, bagamat may bakuna laban sa Dengue, ito’y bihira lang at nagkakahalaga ng P3,000 na mahirap abutin ng ordinaryong mamamayan.
Ayon naman kay Dr. Willie Ong, consultant ng DOH, ipinapayo pa rin sa publiko ang paglilinis ng kapaligiran, lalo na ang pag-aalis ng mga sisidlang may tubig na siyang pinamamahayan ng mga itlog ng lamok.
- Latest
- Trending