Nahulog na bus sa Quezon sinuspinde ang prangkisa
MANILA, Philippines - Sinuspinde kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30-araw ang prangkisa ng bus na nasangkot sa aksidente sa Pagbilao Quezon na ikinasawi ng 5 pasahero at malubhang ikinasugat ng 52 iba pa.
Ayon kay LTFRB chairman Dante Lantin , magsasagawa ng masusing pagbusisi ang ahensiya laban sa CUL Bus Transport na nasangkot sa naturang aksidente upang malaman ang mga pananagutan nito kaugnay ng naganap na aksidente.
Ngayon magsisimula ang suspension order ng naturang bus company at igagawad din dito ang subpoena upang magtungo sa ahensiya ang may-ari nito para sa pagdinig kaugnay ng aksidente.
Inaasahan ng LTFRB na haharap sa kanilang ahensiya ang operator ng naturang bus company para maibigay ang panig nito kung bakit hindi dapat tuluyang i-revoked ang franchise nito.
Sa inisyal na imbestigasyon ng local traffic investigator sa kasong ito, sinasabing posibleng nawalan ng preno ang bus kaya ito na-hulog sa tulay ng Pagbilao, Quezon.
- Latest
- Trending