MANILA, Philippines - Hinikayat ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga nanay na residente na maghandog ng kanilang gatas sa mga sanggol na bagama’t hindi nila kaanu-ano ay higit na nangangailangan naman ng breastfeeding.
Ayon kay Echiverri, maraming mga bagong panganak na sanggol ngayon ang nangangailangan ng gatas mula sa kanilang ina ngunit dahil sa hindi inaasahang dahilan ay hindi sila mapadede ng kanilang magulang.
Dahil sa mga ganitong sitwasyon ay hindi nakakakuha ng sapat na bitamina at sustansiya ang mga sanggol kaya’t karamihan sa kanila ay madaling dapuan ng mga nakakahawang sakit.
Bukod sa mga sanggol na kulang sa timbang ay makikinabang din sa programang ito ang mga infant na hindi kayang pasusuhin ng kanilang mga ina dahil sa mga hindi inaasahang pagkakataon.
Magagamit din ang mga nai-donate na gatas sa mga disasters at calamities kung saan ay higit na kailangang mapadede ang mga sanggol.