MANILA, Philippines - Dalawang sikat na broadcaster ang posibleng papanagutin sa pagkakabulilyaso ng negosasyon sa madugong hostage crisis na isinagawa ni dating Sr. Inspector Rolando Mendoza sa Quirino grandstand, Maynila noong Agosto 23 na ikinasawi ng walong turista.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group Chief P/Director Leon Nilo de la Cruz, pinag-aaralan na ngayon ng PNP kung ano ang posibleng ikaso sa dalawang mamamahayag na nakumpirmang kausap ni Mendoza ilang saglit bago nito inumpisahang pagbabarilin ang mga bihag base sa pagsusuri sa SIM card ng hostage-taker.
Isa sa natukoy na mga number ay mula sa RMN News Manila sa mga kritikal na oras ng hostage sa pagitan ng alas-6:15 hanggang alas-7 ng gabi na ang pag-uusap ay tumagal ng 10 minuto.
“We are completing our investigation and finding out the others who called Mendoza,” ani de la Cruz na sinabi pang maging ang mga numero sa cellphone na tinawagan ng hostage-taker ay kabilang sa kanilang inaalam.
Ilang minuto bago ang pamamaril ni Mendoza ay na-interview pa ito ni RMN News Manila anchor/reporter Michael Rogas kung saan sinabi ni Mendoza na ‘Pakawalan nila ang kapatid ko, huwag nilang babuyin kundi mamamaril na ako ng mga hostages’.
Samantala sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes ay inamin ni ABC 5 reporter at RMN News Manila talent Erwin Tulfo na nakausap niya si Mendoza sa cellphone pero hindi nito idinetalye kung anong oras ang kanilang pag-uusap.
Sinasabing nag-init ang ulo ng hostage-taker matapos na mamonitor nito sa telebisyon na kinukuyog ng mga awtoridad ang kanyang kapatid na si SPO2 Gregorio Mendoza na binuhat pa ng pulisya pasakay sa mobile car.
Ayon pa sa opisyal, hindi umano makausap ng mga negosyador si Mendoza sa nasabing mga kritikal na oras sa pagitan ng alas-6:15 hanggang alas-7 ng gabi dahilan sobrang busy ang cellphone nito kaya nabulilyaso ang negosasyon.
Sakaling mapatunayang may pananagutan ay mahaharap sa kasong obstruction of justice ang dalawang brodkaster.
Tumanggi namang magkomento si Rogas sa pagkakadawit ng kaniyang pangalan.
Nakatakda namang ilabas ng binuong DILG-DOJ Task Force ang resulta ng imbestigasyon kaugnay sa Luneta hostage crisis sa loob ng tatlong linggo. (May ulat ni Ludy Bermudo)